Tuesday, February 26, 2008

Taxi Adventures

Marami na akong nasakyang taxi sa buhay ko at kadalasan, nakikipagkwentuhan naman ako sa drayber kung game rin siya makipagkwentuhan:

Taxi adventure 1: Pagkatapos ng opisina, pumunta kami ng mga opismeyt ko sa Sidebar sa may El Pueblo sa Ortigas. Ano pa ba ang gagawin namin dun kundi magkwentuhan at maginuman. Wala pa akong kotse noon at lagi akong nagpupumilit na uuwi ako ng bahay kahit madaling araw na, kaya ayun, nag-taxi ako pauwi. Nakakwentuhan ko ang drayber at napansin kong inaantok siya, yun pala dahil sa 24-hours na siyang pumapasada, walang tulog. Nakwento rin niya na kapag nagpapahinga siya pag uuwi siya, hindi na rin siya makatulog, kaya iinom na lang siya ng dalawang bote ng Red Horse para tulog agad, oo nga naman, aantukin ka rin naman kahit papaano sa Red Horse. Nabanggit din niya na gusto niya ang nakikipagkwentuhan ang pasahero dahil yun lang ang tanging panlaban niya sa antok. Kaya mga kids, makipagkwentuhan sa drayber para hindi kayo tulugan habang nagmamaneho. :)

Taxi adventure 2: Sa parehong sitwasyon, madaling araw nanaman ako uuwi ng bahay. Pagsakay ko sa taxi, tahimik lang ang drayber habang ako, inaantok at pinipilit ang sarili na hindi makatulog. Umandar na ang taxi at ayun, humarurot! Sa bawat liko, akala mo sharp curve! Yung antok ko, akala ko lumipas lang, hindi pala, natatakot na ako sa pagmamaneho ni manong. Napakapit na ako sa hawakan na nasa ibabaw ng pinto sa likod ng taxi niya, pero tahimik pa rin ako dahil ayaw ko magreklamo at baka ibangga ang kotse. Nang dumating kami sa tapat ng bahay, sabi ko, "kuya, sa ta..." at biglang preno! Sabay biglang lingon ang drayber sa akin sa likod nakangiti at sinabi, "Ayos ba sa mga kurba? Parang karera lang noh?" Doon ko nalaman na hindi pa pala ako lasing dahil gising na gising pa ako. :)

Taxi adventure 3: Pagkarating namin ni Cla sa Cebu, sumakay kami ng taxi papuntang hotel. Habang nagkukuwento siya tungkol sa Cebu dahil nahalata naman niyang taga-Maynila kami, nabanggit din niya na taga Maynila rin siya at lumipat siya ng Cebu dahil mas simple ang buhay doon. Nakwento niya ang pamilya niya. Tapos bigla siyang tumingin sa amin sa likod at tinanong, "Kayo, ilan na ba anak niyo?" Wahaha! Mukha na pala kaming mag-asawa ni Cla! Tapos sumagot kami, "Ay kuya, wala po." At sumagot si manong drayber, "Ah, bago palang kayo." at alam kong pagkakasabi niyang "bago" ay bagong kasal daw kami dahil pagkatapos niya sabihin yun, nag-recommend siya ng mga lugar sa Cebu kung saan ang pinupuntahan na lugar ng mga "bago" na may overlooking pa ng Cebu at romantic, baka pang-honeymoon, haha! Hindi na lang kami umimik, haha!

Taxi adventure 4: Sa Cebu, sumakay kami ni Cla ng taxi papunta sa Cebu Cathedral para mag-attend ng kasal. Pagsakay namin, ang drayber, nakasando at puno ng tattoo sa braso, kung baga, mukhang goon. Habang nasa biyahe, sumasayad ang likod ng kotse niya sa gulong tapos biglang sabi niya nang pabiro, "ang bigat niyo..." aba, nakahirit pa hehe, pero nakipagbiruan na lang kami. Pagdating sa stop light, bumaba siya para ayusin ang sumasayad, kami ni Cla, hinahanap namin ang metro ng taxi, hindi namin mahanap! Napaisip kami at tatanungin na sana namin si manong drayber, pero pagsakay niya ulit ng taxi, tattoo ang humarap muli sa amin at natalo kami ng sindak. Tapos nagtanong si manong, "anong oras po ba ang kasal?" Sumagot kami na 3PM (3:10PM na nun...). At ang hirit ni manong, "Ayus ah, di bale, hindi naman magsisimula ang kasal kung wala kayo..." Sabay ngiti. Ayus talaga, kahit mukhang goon, marunong mambola haha! Pagdating namin sa simbahan, tinanong namin kung magkano, at may binuksan si manong sa may ilalim ng aircon, at ayun! Andun pala ang metro!

Taxi adventure 4: Pagkahatid ko kay Cla sa bahay niya pagkatapos ng biyahe namin galing Cebu, pumapara ako ng taxi sa may E. Rodriguez. May tumigil na taxi at tinanggihan ako na bumiyahe sa Marikina, pero isinakay niya yung baklang katabi ko lang na naghihintay din, akala niya siguro seksing babae at nakajackpot siya hehehe. Pero may dumating din agad na isa pang taxi, at pumayag naman siya. Tinanong ako nung drayber kung bakit hindi pumayag yung isa, sabi ko, "ewan, baka type niya yung bakla." At tumawa na lang kami at sinisilip namin ni kuya yung isinakay na bading nung naabutan namin sila sa stoplight, hehe, macho yung bading. Habang sa biyahe, nagkakuwentuhan kami tungkol sa trapik. Nalaman ko na sa taxi, basta inabot ka ng isang oras na nasa trapik ka, lugi ka na sa kita dahil kailangan, para kumita sa taxi, dapat daw makadalawang pasahero ka sa loob ng isang oras. Bigla kong natanong kay manong kung ilang pasahero dapat sa isang araw para makaboundary, sabi niya, 30-35 daw at 35 pataas, sariling kita mo na yun dahil gasolina pa lang, ubos na kita mo, kaya dapat daw mga singkwentang pasahero sa isang araw. Natanong ko rin si manong tungkol sa tulog at sabi niya sa isang linggo, apat na oras lang ang tulog niya at yun ay dahil pag umuuwi siya ng Quezon, natutulog siya sa bus. Nabanggit din niya na pag may pasahero siya, tinatanong din niya tungkol sa ibang trabaho dahil mahirap nga raw talaga mag-taxi. Marami pa kaming napagkwentuhan at pagdating ko sa bahay, parang na kaming magkabarkada na may salamat at paalam pa, dinagdagan ko rin ang bayad ko at kitang kita ko sa mukha niya na kahit P40 lang ang dinagdag ko, masaya na siya. :)

Marami pa akong nakakwentuhang taxi drayber pero ang mga ito lang ang naaalala ko. Hindi ko rin sila masisi minsan kung nagpapadagdag sa bayad, mahirap nga naman talaga ang buhay. Naalala ko ang isang episode ng palabas ni Ces Drilon dati na sa isang araw, gumanap siya bilang isang drayber ng taxi at sa episode na yun, mainit lagi ulo niya at sinabi niyang mahirap daw talaga mag taxi drayber. Pasalamat na lang ako at nakakatulog pa ako sa araw araw ng buhay ko at hindi ako nagmamaneho nang bente-kwatro oras. Lagi rin akong takot sa taxi drayber dahil lagi kong naiiisip na holdaper siya, pero may nagbanggit din sa aking taxi drayber noon na sila rin takot sa mga pasahero dahil hindi rin nila alam kung ang sumakay sa taxi nila ay holdaper o hindi. Hanapbuhay nga naman, mahirap at kailangan pagsikapan. Isa rin dahilan kung bakit ako nakikipagkwentuhan sa taxi drayber, hindi lang para malaman ang buhay nila kundi, para matuto sa kanila at maipakita ko naman sana na hindi ko sila minamaliit na taxi drayber lang sila at nais kong kilalanin sila bilang tao. :)

1 Comments:

Post a Comment

<< Home